News and Blog

Mga Kwentong UPIS: Diyan Ako Mag-aaral!

09
Student story

Mga Kwentong UPIS: Diyan Ako Mag-aaral!

Wala kayo sa akin. Bago pa pinauso ng influencers ang konsepto ng “manifesting” sa social media ay nagawa ko na siya. Kung tatanungin ninyo kung paano ako napadpad sa UPIS, madali lang ang sagot diyan – I manifested it.

Lumipat kami ng mga 1980’s mula sa Cabanatuan sa noo’y isang liblib na subdivision sa may bandang Batasan, Quezon City. Kung gusto mong kumain sa restawran, manood ng sine, mag-shopping, etc. ang pinakamalapit na puntahan noon ay ang SM North Edsa o kaya ay sa COD Mall at Fiesta Carnival sa Cubao. Wala kaming sariling sasakyan. Kaya kapag naisipan ng mga magulang namin na ilibot kaming magkapatid, bago pa kami makarating sa kabihasnan ay kinakailangan nating mag siksikan sa tricycle ng halos tatlumpung minuto para naman makasakay sa mga mangilan-ngilang jeepney o bus sa Commonwealth Avenue na noon ay pulos talahiban pa.

Pero sa gitna ng ekta-ektaryang matataas na damo, may isang building na talaga namang agaw-pansin. Kahit ikaw ay nakasakay sa mabilis na sasakyan, malayo pa lang ay tanaw mo na ang kulay maroon na domo na kilala natin bilang UP Gym. Pero sa mga mata ng isang tatlong taong gulang na bata na may pagka-biba, nasa level siya ng Pyramids of Egypt  o kaya yung Sleeping Beauty Castle sa Disneyland.

 

“Mama, ano yung building na ‘yon?” naalala kong tanong ko sa akong ina.

 

“Ahhh… UP iyan, anak,” sagot ng Mama ko. “School yan ng mga matatalino.”

 Hindi ko batid kung alam ni Mama na gym lang ang building na iyon at nag-generalize na lamang siya,  pero tumatak talaga sa isipan ko ang, “UP… school ng mga matatalino.”

 

Eh ang alam ko, matalino ako.

Kaya sa tuwing dadaan kami sa parteng ito ng Commonwealth, lagi kong sinisigaw na, “Yon ang UP oh! Diyan ako mag-aaral!” Natatawa na lamang ang mga ibang pasahero sa jeepney pero hindi nila alam na seryoso talaga ako.

Si Mama alam na seryoso ako, at sineryoso rin naman niya talaga ang aking manifesting words.

 

Lingid sa aking kaalaman, inumpisahan na ng aking mga magulang na paikutin ang mga engranahe na makapag-papatotoo ng aking pangarap. Nakahanap si Mama ng isang preschool na may kalapitan sa amin. Hindi ko alam kung sinadya niya o suwertihan lang pero ang school na ito ay pagmamay-ari nila Teacher Mimi at Teacher Pat – mga Kindergarten teacher sa UPIS! 

 

Hindi naman naitatago maski noon na dahil ang UPIS ay isang laboratory school ng UP College of Education, limitado lang ang tinatanggap na mga estudyante sa Kindergarten. Bukod pa rito ay nasa 60 porsyento din sa mga masusuwerteng kabataang ito ay mga anak ng mga guro o kawani ng UP.  Kaya nung napabilang ako sa 40 porsyento na “outsider” na pumasa, laking pasasalamat ko sa mga preschool teacher ko. Napakalaking bentahe na sila ang naging guide ko. Dahil sa school nila ay nahasa ko na ang skills na kakailanganin ko hindi lang para makapasok sa UPIS kung hindi para rin makipagsabayan ako sa mga  kapwa ko bibo at biba.

Niratsadahan ko ang aking elementary years. Ang dalas ng akyat ko sa entablado para tumanggap ng sertipiko. Lumaki rin ang aking ulo. High school, medyo nag-rebelde ako (sa paraan lang na alam ko). Sa pagbaba man ng academic standing ko, siya namang pag-karir ko ng  extra-curricular activities. Andiyang may Future Homemakers Club, Girl Scout, Aninag,  KAMAG-ARAL at iba pang agaw-atensyon mula sa academics. Napaka-humbling talaga ng high school years ko. Pero maski man gano’y nakaraos pa rin. Hindi ko alam kung nakatulong nga, pero sa 11 taon na walang mintis, araw-araw bago ako pumasok sa paaralan- bago pa dumating ang aking school bus – “Patnubayan Nyo po ako ngayong araw na ito. Salamat at nasa UP ako.”

 

Hanggang nakapasa na nga ako ng UPCAT (itong parte ng misadventures ko ay deserving na mabigyan ng sarili niyang sulatin), nag-enroll  blah blah blah.  At hinding hindi ko rin makakalimutan. Sa unang pagkakataong nakatungtong ako sa maroon na domo ng UP Gym – hawak ang aking Form 5 para mag enlist ng PE na parang hawak ko ang isang Pulitzer-winning paper,  ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ko – “Nasa UP na nga ako… Nasa UP na nga ako…” 

 

Walang ni isang duda, alam ko na malaki ang pasasalamat ko sa lahat ng natutunan at na-experience ko sa UPIS – mula sa mataas na kaledad ng academics, sa pagiging maparaan, sa pagiging makapag-kapwa, ang maging ma-prinsipyo, at ang pagiging makabayan- lahat iyon nakatulong para ako ay maka-graduate at yumapak sa arena ng buhay na may (nag-uumapaw na) kumpiyansa sa sarili. 

 

Salamat, UPIS, salamat. Ito ang aking alamat. 

This is it. I manifested it

Categories