Para Kay Mike
September 5, 2024 2024-09-16 1:51Para Kay Mike
May crush ako noong Grade Three Michael ang pangalan niya
Tawag sa kanya McGuyver dahil sa kwentong isinulat niya sa klase
Kapag nakaupo siya, nakatikom sa ilalim ng pwet niya ang isa niyang binti
Madalas din niyang alisin ang sapatos niya sa klase kapag naka-upo na
Feeling niya bahay ang eskwela
Hilig niyang kagatin ang kanyang lapis kapag nag-iisip
Mabagal siya mag-sulat kaya siya ang huli laging nakaka-kopya ng lecture at homework sa blackboard
Halos pag-burhan na nga siya ng cleaner-for-the-day
Sa kanya siguro naimbento ang legal na vandal na “Please Save”
Nagkakaladyaan sila ni Lemuel isang hapon habang lunch bago mag Practical Arts
Nananahi kami noon ng punda
Sinusubukan nilang i-Haduken ang isa’t isa
Imbis na “backfist” ang naisigaw niya ay “backstitch”
Natahi niya si Lemuel into oblivion
Fan siya noon ni Michael Bolton
Sabay pa kami kumanta ng “Lean on Me” at “How Am I Supposed to Live without You?”
Syempre kinikilig pa ako sa duet naming sintunado
Minsan ay nakapag-usap din kami ng halos isang oras tungkol kay MC Hammer
Kasama ko siyang sumayaw ng “Pray” sa isang dance contest sa iskul
Natalo kami
Kaklase ko pa rin siya noong Grade Four at Grade Six
Pero iba na mga hinahangaan ko noong mga panahong iyon
Nung high school ay sa koridor na lang kami nag babatian
Sa kolehiyo ay wala na rin ako masyadong naririnig tungkol sa kanya
Hanggang sa nanatili na lang siya sa likod ng aking mga ala-ala
Crush ko si Michael noong Grade Three
Crush ko siya noon
Nangingiti na lang ako
Kapag naaalala ko siya ngayon
Search
Categories